OKLAHOMA CITY-- Naglista si Russell Westbrook ng 28 points, habang nagtala si Kevin Durant ng 25 points at 10 rebounds para igiya ang Thunder sa 106-90 panalo laban sa Los Angeles Lakers sa Game 5 at wakasan ang kanilang Western Conference semifinals series sa 4-1.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nakapasok ang Oklahoma City sa Western Conference finals.
“I think that we kept our composure throughout the fourth, and our poise and we made plays,” sabi ni Durant sa kanilang pananaig kontra sa Lakers, nakahugot ng 42 points kay Kobe Bryant.
Sa Western Conference finals, makakalaban ng Thunder ang top-seeded na San Antonio Spurs, sumasakay sa isang 18-game winning streak at winalis ang Los Angeles Clippers sa kanilang semis series.
Magsisimula ang championship series ng Thunder at Spurs sa Linggo sa San Antonio.
Kumolekta naman si Pau Gasol ng 23 points, 17 rebounds at 6 assists para sa Lakers, habang nagdagdag si Steve Blake ng playoff career-best 19 points.
Sa Boston, umiskor si Brandon Bass ng career playoff-high 27 points, ang 18 ay kanyang ginawa sa third quarter, para tulungan ang Boston Celtics sa 101-85 panalo laban sa Philadelphia 76ers sa Game 5 at kunin ang 3-2 lead sa kanilang Eastern Conference semis wars.
Nag-ambag si Kevin Garnett ng 20 points at may 13 points at 14 assists si Rajon Rondo para sa Celtics.
Nakatakda ang Game 6 sa Philadelphia sa Miyerkules.