MANILA, Philippines - Sinandalan ng men’s national baseball team ang homerun ni Jonash Ponce upang itakas ang 3-2 panalo sa tenth inning laban sa national junior team sa pagbubukas kahapon ng baseball event ng 2nd Philippine National Games sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Dalawang outs na nang tumungtong sa plate si Ponce at matapos ang 3-1 balls-strike count ay nabigyan siya ng gitnang bola ni Alpha Turaray tungo sa homerun sa left field.
“Nasa 65 percent pa lamang ang mga players dahil ito ang first tournament namin after winning the SEA Games gold medal sa Indonesia last November. Nasa strength and conditioning pa lamang kami dahil ang pinaghahandaan namin ay ang Asia Cup sa Bangkok sa July kaya ganito ang kanilang laro,” wika ni coach Edgar delos Reyes.
Nangapa ang men’s team sa kanilang dating matikas na porma sa kaagahan ng laro dahilan upang makaangat ang junior team sa 2-0 iskor matapos ang top of the fifth inning.
Sa bottom fifth gumana ang national batters at umiskor ng dalawang runs para itabla ang iskor. Sa bottom ninth ay nagkaroon na sila ng tsansang manalo nang magkaroon ng loaded bases at walang out.
Sinandalan naman ng SCUAA titlist Rizal Technological University ang single ni Justine Payongayong sa bottom seventh upang ibigay sa koponan ang 5-4 panalo sa UAAP champion National University sa isa pang laro.
Sa laro sa UST, dinurog naman ng Philab Los Baños ang Angeles University Foundation, 15-3, upang makasalo sa National team sa liderato sa Group A.