Manila, Philippines - Nagbunga ang pagtitiyaga ni Josie Gabuco nang hiritan ng 10-9 come-from-behind panalo si China’s Xu Shiqi upang kunin ang ginto sa light flyweight division sa pagtatapos kahapon ng 2012 AIBA World Women’s Boxing Championships sa Olympic Stadium sa Qinhuangdao, China.
Nakita ang sariling napag-iwanan sa unang dalawang rounds, 1-2 at 3-5, nagtrabaho nang husto ang 25-anyos at tubong Puerto Princesa na si Gabuco sa huling dalawang rounds para maibangon ang sarili at maging kauna-unahang World champion ng Pilipinas.
Pinahirapan ni Gabuco si Xu gamit ang kanyang kanang kamao para kunin ang panalo sa third, 4-3, at sa fourth at huling round, 3-1, para sa isang puntos na panalo.
Naunang nagpakita ng husay sa counter-punching ang mabilis na kumilos na si Xu upang makuha ang abante sa naunang rounds.
Pero mas naging agresibo si Gabuco sa ikatlong round at ang walang tigil na pag-atake ay nagresulta sa pagbukas din ng depensa ng Chinese boxer na kung saan siya umani ng puntos.
Bago natapos ang third round ay binawasan ng puntos si Xu dahil sa palagiang pagdulas na tila kanyang diskarte para masira ang momentum ni Gabuco.
Ang gintong medalya ang pinakamataas na naabot ng isang amateur boxer ng bansa na lumaban sa world championships, mapalalaki man o babae.
Sina Roel Velasco at Harry Tanamor ay umani ng pilak sa World Amateur Boxing Championships noong 1997 sa Budapest at 2007 sa Chicago, USA habang si Annie Albania ang unang lady boxer ng bansa na nanalo ng pilak na nangyari noong 2008 sa Nimbo, China.
Sa China rin unang nanalo ng medalya si Gabuco nang malagay ito sa ikatlong puwesto tungo sa bronze sa 46-kgs division.