P1M MVP-PBaRS circuit hahataw ngayon sa Cebu
MANILA, Philippines - Magsisimula ngayon ang agawan para sa premyo, ranking points at posibleng tiket para sa national pool sa pamamagitan ng MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) circuit sa Metro Sports Center sa Lahug, Cebu City.
Kabuuang 63 singles matches at walong doubles ang nakalatag para sa unang araw ng nasabing five-day championship na pasisimulan ng isang three-leg nationwide circuit.
Ang circuit tour, magtatampok sa Open, Under-19 at U-15, ay naghahangad ring makadiskubre ng mga bagong talento na maaaring sanayin bilang miyembro ng national pool na hahawakan ni Olympic gold medal coach Rexy Mainaky.
Kaagad makikita sa first round ng event na itinataguyod ng GOAL Pilipinas ang mga seeded entries na pamumunuan ng mga miyembro ng national team sa kanilang paglahok sa kani-kanilang dibisyon bukas.
Ang mga laro sa 64-player field boys’ U-19 ay magsisimula sa alas-9 ng umaga tampok ang laban nina John Diamante at Paolo Barrios, ang banggan nina Jan Sinfuego at John Lozada, ang salpukan nina Paul Gonzales at John Quibranza at ang paghaharap nina Joshua Rio at Christian Cuyno.
Ang mga laro sa men’s Open singles ng torneong inorganisa ng Philippine Badminton Association sa pangunguna nina Vice President Jejomar Binay, chairman at sports patron Manny V. Pangilinan at sec-gen Rep. Albee Benitez ay hahataw sa alas-9:30 ng umaga.
Sina Toby Gadi at Markie Alcala, winalis ang Open at U-15 titles noong nakaraang taon sa four-leg inaugurals ng event na suportado ng Gatorade, Krav Maga Phils., Sincere Construction and Development Corp., Vineza Industrial Sales, Victor PCome Industrial Sales, TV5 at Badminton Extreme Magazine ay makikita sa aksyon bukas.
- Latest
- Trending