MANILA, Philippines - Hindi mangingimi ang Philippine Sports Commission (PSC) na alisan ng allowances ang mga national athletes na hindi magpapakita ng maayos na laro sa gaganaping 2nd POC-PSC Philippine National Games na gagawin sa mga lugar ng Metro Manila, Laguna at Dumaguete City.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, walang karapatan ang pinangungunahang ahensya na ipilit ang pagpapalit ng manlalaro sa mga National Sports Associations dahil ito ay desisyon ng mga NSAs.
Pero karapatan nila ang tanggalan ng allowances ang mga national athletes na sa kanilang paniniwala ay hindi na makakapaghatid ng karangalan sa Pilipinas sa mga malalaking torneo sa labas ng bansa.
Tinatayang nasa 4,000 atleta at coaches ang maglalaro sa PNG kasama ang mga national players na dapat na manalo sa kanilang laro upang hindi matanggalan ng suporta sa komisyon.
Hindi naman lahat ng national players ay kasali dahil ang mga manlalaro sa martial arts sports ay hindi na paglalaruin sa PNG.