Petecio bulilyaso sa Olympics

MANILA, Philippines - Lumasap ng mapait na 10-11 pagkatalo si flyweight Nesthy Petecio sa kamay ni Valeria Calabrese ng Italy upang matapos din ang paghahangad ng Pilipinas na ma­kapagpasok ng lady boxer sa London Olympics.

Nalamangan ng dalawang puntos sa ikatlong round si Petecio upang ang 6-5 kalamangan matapos ang dalawang rounds ay naging 8-9 iskor pabor sa Italian boxer.

Nauwi naman sa 2-2 ang iskor sa ikaapat at huling round upang matalo ang tubong Puerto Princesa boxer na unang laban sa AIBA World Women’s Championships na idinadaos sa Olympic Sports Center Gymnasium sa Qinhuangdao, China.

Tatlong dibisyon lamang ang paglalabanan sa women’s boxing sa Olympics at bukod sa 52kg. class, may laban din sa lightweight (60kg.) at middleweight (75kg.) divisions.

Bunga nito, tanging si Mark Anthony Barriga lamang ang boksingerong panlaban ng Pilipinas sa London Games.

Pinalad naman si Gabuco na manalo habang si Alice Kate Aparri ay nakaabante rin nang dominahin ang nakalaban.

Kumakampanya sa light flyweight division, si Gabuco ay umukit ng 24-13 panalo laban kay Yarineth Gonzales Altuve ng Venezuela habang 15-11 naman ang panalong naitala ni Aparri laban kay Cielia Costa ng Brazil sa bantamweight division.

Tatangkain ni Gabuco na umabante pa sa pagsukat sa husay ni Asian Women’s Championships gold meda­list Bolortuul Tumurkhuyag ng Mongolia habang si Nimini Jayasinghe ng Sri Lanka ang makakaharap ni Aparri.

Show comments