MANILA, Philippines - Hindi nangangako ng knockout si world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria, ngunit kumpiyansa naman siyang mananalo laban kay Mexican challenger Omar Niño Romero.
“I don’t like making predictions because it only gives pressure on me,” sabi ni Viloria sa kanilang pangatlong laban ni Romero matapos magtagpo ng dalawang beses noong 2006. “I’m just gonna say that this will be a good fight. We’re gonna put in our 110 percent in this fight that’s why we train everyday for the last three months. And now it’s time to show it.”
Itataya ni Viloria ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) flyweight crown laban kay Romero ngayong araw sa Yñares Sports Center sa Pasig City.
Taglay ni Viloria ang kanyang 30-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs kumpara sa 30-4-2 (12 KOs) slate ni Romero.
Magsisimula ang event sa ganap na alas-9 ng umaga para sa mga undercards na tatampukan ng isang 10-round, non-title fight nina dating world champions Julio Cesar Miranda (37-6-1, 29 KOs) at Rodel Mayol (30-5-2, 22 KOs).
Nakuha ni Viloria ang WBO flyweight belt nang talunin niya si Giovani Segura via eight-round TKO noong Disyembre 11, 2011 sa Yñares Sports Arena.