Fil-Japanese judoka may tiket na sa Olympics

MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang dekada ay makakasali na uli ang Pilipinas sa judo competition sa Olympics.

Si Fil-Japanese Tomohiko Hoshina ang nakagawa nito nang makakuha ng sa­pat na puntos upang ma­­kasama sa top 12 sa ka­­­lalakihan na lalaro sa London Olympics gamit ang Continental quota.

Naglalaro sa  plus 100 kilos, ang 25-anyos na si Hoshina ay nakakuha ng 27 puntos mula sa paglahok sa World Championships, Judo Grand Slams, Judo Gran Prix at Asian Judo Cham­pionships para makuha ang puwesto.

“In the Continental quota, the top 12 men and 8 women (total 20) regardless of their weight classes, will advance into the London Olympics. And Hoshina is one of three judokas in South East Asia to achieve the feat,” masayang sinabi ni Philippine Judo Federation (PJF) president David Carter.

Dalawang beses na nakasali ang Pilipinas sa judo sa Olympics na nangyari noong 1988 at 1992 at ang mga lumaro sa Seoul noong 88 ay sina Jerry Dino (extra lightweight), Benjie Baylon (half middle) at Benjamin McMurray (heavyweight).

Sina Dino (bamtamweight) at John Baylon (light middle) ang mga lumaban sa Barcelona noong 92 at ito na ang huling pagkakataon na may Pinoy sa judo sa Olympics dahil nagpairal na ang IJF ng qualifying standard para matiyak na mga karapat-dapat lamang ang makakasali sa event sa pinakaprestihiyosong torneo sa mundo.

Pangatlong pambato ng Pilipinas sa Olympics si Hoshina kasunod nina Mark Anthony Barriga ng boxing at Brian Rosario ng shooting.

Isasama pa ang dalawang mandatory athletes mula athletics at swimming, ang Pilipinas ay nakakatiyak na ng pitong atleta na magtatangkang sumungkit ng medalya sa London.

Show comments