Pinoy rowers sibak sa Olympics
MANILA, Philippines - Hindi nakasabay ang mga pambatong rowers ng bansa na sina Nestor Cordova at Johna Lyn Pedrita sa mga dayuhang nakatapat upang mamaalam na rin sa paghahabol sa puwesto sa London Olympics matapos ang idinaos na 2012 International Rowing Federation (FISA) Asian Olympic Qualifying Regatta sa Ho Arum Dong, Changju, South Korea mula Abril 26 hanggang 29.
Ang nangunang anim na rowers sa men’s singles sculls at lima sa women’s singles sculls lamang ang kukunin patungong Olympics at sina Cordova at Pedrita ay tumapos sa malayong 13th puwesto sa nilahukang dibisyon.
Sa distansyang 2000m pinaglabanan ang karera at ang 26-SEA Games gold medalist na si Cordova ay anino lamang ng kanyang sarili nang hindi maabot ang top two sa heat 4 at nabigo na pangunahan ang repechage.
Naorasan si Cordova ng 9:00.41 para malagay lamang sa ikatlong puwesto sa heat bago tumapos sa panglima sa repechage 1 sa bilis na 7:57.64.
Umabot sa 20 ang sumali sa nasabing dibisyon at tumapos si Cordova sa ika-13th puwesto sa 7:33.42 tiyempo.
Pumang-anim naman si Pedrita sa heat 1 (10:07.89) bago tumapos sa pang-apat sa repechage 1 (9:00.90) na kung saan tatlo ang kinuha para umabante sa semifinals. Nanguna si Pedrita sa Final C sa 8:46.20 para malagay sa ika-13 sa 16 na sumali.
Ang laban ng dalawang rowers ay sagot ng rowing federation dahil may kasunduan sila ng Philippine Sports Commission (PSC) na ibabalik lamang ang naging gastusin sakaling makapasok ang mga ito sa Olympics.
- Latest
- Trending