Russian sparmate bugbog agad kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Isang pasa sa ilalim ng kanyang kanang mata ang kaagad natamo ni Russian light welterweight prospect Ruslan Provolikov sa kanilang unang araw ng sparring session ni Manny Pacquiao kahapon sa Baguio City.
Sa first round ay ilang kombinasyon ang nailusot ng 5-foot-6 na si Provolikov. Ngunit pagdating sa third round ay nakakonekta ang Filipino world eight-division champion ng isang left hook sa kanang pisngi ng Russian boxer.
“I like my sparring partner kasi nagagaya niya 'yung suntok ni Bradley,” ani Pacquiao, magtatangol ng kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight title kontra kay Timothy Bradley, Jr. sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“It's alright,” sabi ni Provolikov sa nangyari sa kanya sa pamamagitan ni Russian lightweight Rustam Nugaev na nagsilbing interpreter ng kanyang kababayan. “The sparring will get better and better.”
Tatlong sparring session pa ang gagawin nina Pacquiao at Provalikov bago bumiyahe sa Los Angeles, California sa unang linggo ng Mayo para ipagpatuloy ang kanyang preparasyon sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach.
Ayon kay Roach, gusto pa niyang makita si Pacquiao sa gitna ng boxing ring para hindi siya makorner ng WBO light welterweight titlist na si Bradley sa gabi ng kanilang laban.
Matapos ang kanilang sparring ni Provolikov ay nag-ubos naman ng kanyang oras si Pacquiao sa heavy bag para palakasin pa ang kanyang suntok.
- Latest
- Trending