MANILA, Philippines - Hindi susunod ang University Athletic Association of the Philippines kaugnay sa pagbabawal ng National Collegiate Athletic Association sa pagkuha ng mga foreign players simula sa taong 2014.
"No discussion on that one so as far as the UAAP is concerned so the old league rule of allowing foreign players to play stays," sabi ni Far Eastern University board representative Anton Montinola.
Sa board meeting ng NCAA kamakailan, ipinagbawal ng liga ang kanilang mga miyembro ng kumuha ng mga foreign players simula sa 2014.
Ito ay upang mabalanse ang kompetisyon sa NCAA sa susunod na dalawang taon.
Halos karamihan sa mga NCAA teams ay walang foreign players.
Ang San Beda ang nagparada kay 6-foot-8 Nigerian Sam Ekwe kasunod si 6-foot-7 American Sudan Daniel na nagresulta sa paghahari nila sa lima sa huling anim na seasons.