Uzbek rider inangkin ang Stage 3
MANILA, Philippines - Bayombong, Nueva Vizcaya - Ipinamalas ni Azamat Turaev ng Suren Uzbekistan ang angking lakas para maging kauna-unahang dayuhan na nanalo sa 2012 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 katuwang ang Smart.
Matapos hiyain ng mga Filipino cyclists nang magkampeon sina Oscar Rendole ng Mail And More at Arnel Quirimit ng Go21 sa Stage One at Two, nagpasikat ang mga dayuhan nang kunin ang unang anim na puwesto sa Stage Three kahapon sa 102.52 kilometrong karera mula Cauayan City, Isabela hanggang dito sa City Hall sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Pinakamakinang ang 23-anyos na si Turaev ay hindi lumubay sa pag-atake upang makuha ang yugto sa bilis na dalawang oras, 23 minuto at 36 segundo.
Nakasama ang tubong Tashkent rider sa walong siklistang kumawala sa unang 20 kilometro bago inilabas ang husay sa akyatin nang pumangalawa kay Chun Kai Feng sa pag-abot sa tuktok ng Hilltop sa Barangay Nagsabaran sa bayan ng Diadi na kung saan isinagawa ang unang tagisan para sa King of the Mountain.
Pagbaba sa patag ay humabol kina Turaev at Feng ang mga siklistang sina Shinichi Fukushima ng Terangganu team ng Malaysia, Hamid Shirisisan ng Suren at Masakazu Ito ng Aisan team ng Japan at Daniel Bonello ng Plan B ng Australia.
Binaybay nila ang pasimulang 15 kilometro sa huling 20k patungo sa finish line na magkakasama bago kumawala sa huling limang kilometro si Turaev patungo sa panalo.
“He is a climber,” wika ni Suren team manager na si Mostafa Chaichi. “Today was a good race because Turaev is number one and Shirisisan is at number four. Tomorrow, it will be our race.”
Ang karerang may suporta rin ng Jinbei at Foton ay magtatapos ngayon sa tagisan hanggang Burnham Park sa Baguio City at dadaan sa dalawang mahahabang ahunan sa Cordilleras na kilala bilang Northern Alps.
Si Feng ay kinapos ng 15 segundo kay Turaev (2:23:51), habang si Fukushima ang nalagay sa ikatlo at napag-iwanan ng 17 segundo katulad nina Shrisisan Ito at Bonello (2:23:53).
Sina Jan Paul Morales ng Kia at Rudy Roque ng American Vinyl/LPGMA ay tumapos sa ikapito at walong puwesto.
Kasama sa malaking pulutong sina yellow jersey holder Timo Scholz ng CCN team ng Netherlands, Alexander Malone ng Plan B Australia, Loh Sea Keong ng OCBC Singapore at Rendole na mga nangunguna sa overall individual standing.
- Latest
- Trending