TUGUEGARAO, City, Philippines --Hindi na pinahintulutan pa ni Oscar Rendole na magpatuloy ang dominasyon ng mga dayuhan nang pagharian ang idinaos na 2012 Le Tour de Filipinas Stage One kahapon dito.
Nangibabaw ang masidhing hangarin ng 26- anyos na tubong Gimba, Nueva Ecija rider na maibigay ang mailap na panalo sa tatlong taong LTDF na ngayon ay inihahandog ng Air21 katuwang ang Smart, matapos daigin sa rematehan si Jeroen Kers ng Dutch Global Cycling team ng New Zealand.
Kumaripas sa pagpedal si Rendole tungo sa paglista ng nangungunangtatlong oras, 44 minuto at 40 segundong tiyempo sa 155.75 karera na nagsimula sa Sta. Ana, Cagayan at nagtatapos sa Tuguegarao City hall.
Umabot sa 37 degrees Celsius ang init na bumalot sa karerang may ayuda rin ng Foton at Jinbei, pero hindi napigil si Rendole para makuha ang unang panalo ng isang Pinoy sa LTDF.
Lalabas din si Rendole bilang kauna-unahang siklistang Pinoy na nanalo ng stage sa isang UCI sanc-tioned race.
“Masaya dahil nahirapan na rin ako at nagka-cramps na sa huling tatlong kilometro,” wika ni Rendole, na noong 2009 sa Padyak Pinoy unang nakatikim ng stage win.
Si Kers na ang koponan ay dumating sa bansa noon pang Martes para mapaghandaan ang apat na araw na karera na may tulong din ng WetShop, Maynilad, Nague Malic Magnawa& Associations Customs Brokers, Wow Videoke, UBEMedia, IWMI, Airphil Express at dzRH, ay kinapos ng dalawang segundo (3:44:42).
Ang iba pang Filipino cyclists na sina Rudy Roque ng LPGMA/American Vinyl at Baler Ravina ng Go21 ay nakasama rin sa unang sampung tumawid sa meta.
Napantayan ni Roque ang tiyempo ni Kers upang samahan sina Timo Scholz ng CCN team ng Netherlands at James Williamson ng PureBlack ng New Zealand na nasa ikalawang puwesto habang si Ravina ay may 3:45 oras para masolo ang ikapitong puwesto.
Ang Mail And More din ang nangunguna sa team classification sa kabuuang 11:21:03 bunga ng magandang tiyempo rin nina Alfredo Asuncion at Joel Calderon.
Kapos din ng dalawang segundo ang Dutch Global sa 11:21:03 habang ang LPGMA/American Vinyl ang nasa ikatlong puwesto sa 11:21:16.
Si Cagayan Representative Jackie Enrile, kasama sina Air21 chairman Bert Lina at asawang si Sylvia ang nasa simpleng opening ceremony at ang Kongresista ang nagpaputok ng starting gun para pasimulan ang tagisan.
May 11 dayuhan at 5 local teams ang tumugon pero wala sa talaan ang kinatatakutang Tabriz Petrochemical (TPT) na hindi sumipot.
Hinalinhinan sila ng Terengganu Cycling team ng Malaysia.
Ang Stage two ay ilalarga ngayong umaga na isang 103.3-km tagisan mula Tuguegarao City hanggang Cauayan City, Isabela.