Bradley tiniyak na tatagal sa laban nila ni Pacquiao

MANILA, Philippines - Kung hanggang five rounds lamang ang prediksyon ng kampo ni Manny Pacquiao, plano naman ni Timothy Bradley, Jr. na paabutin sa 12 round ang kanilang upakan sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Sinabi kahapon ni Bradley na habang tumatagal ang laban ay mas magiging agresibo at malakas siya kontra kay Pacquiao.

“They don’t want this fight to go past 5 or 6 (rounds). The other side wants me to get out of there early because I get more dangerous as the fight goes on,” wika ng 28-anyos na si Bradley.

Hahamunin ni Bradley ang 33-anyos na si Pacquiao para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) welterweight crown.

Nauna nang sinabi ni strength and conditioning coach Alex Ariza na kayang pabagsakin ni Pacquiao si Bradley sa loob ng five rounds kung magiging ma­ganda ang kondisyon at paghahanda nito.

Kasalukuyan nang nagpapakondisyon ang Filipino world eight-division champion sa General Santos City bago magtungo sa Ba­guio City para sa opisyal na pagbubukas ng kanilang training camp.

Bukod kay Ariza, makakasama din ni ‘Pacman’ sa kampo sina trainer Freddie Roach at dating world light welterweight titlist Amir Khan.

Nagsimula na din ng kanyang pag-eensayo si Bradley katulong si trainer Joel Diaz noong nakaraang linggo.

Show comments