Hindi na siguro makatulog ang mga miyembro ng Philippine amateur boxing team sa Kazakhstan kung saan nagaganap ang huling Asian qualifying tournament para sa nalalapit na London Olympics.
Lima ang pinadala nating boxers. Pero sa tindi siguro ng kompetisyon ay apat na sa kanila ang nalaglag. Si lightweight Charly Suarez na lang ang tanging nakatayo at humihinga.
Nauna nang tumilapon sila bantam Joegin Ladon, welter Wilfredo Lopez, flyweight Rey Saludar at lightwelter Dennis Galvan. Maaga silang naging mga turista dun sa Astana.
Nasa semis na si Suarez matapos ang dalawang sunod na panalo. Sunod niyang makakalaban ang Hapon na si Daisuke Narimatsu, bronze medalist sa huling Asian Championships.
Mabigat ang laban at kung sakali man na malampasan ito ni Suarez ay makakaharap naman niya ang mananalo sa kabilang semis--mga boxers mula sa China at Iraq.
Dahil sa sikip ng lightweight division, ang tanging gold medalist lang sa Kazakhstan ang makakapunta sa London sa July. Di gaya ng ibang divisions na basta umabot ka lang sa semis, Olympics ka na.
Parang tora-tora na dapat sa tapang si Suarez sa semis. Kung hindi, uuwi na silang lahat na luhaan at may takip na panyo sa mga mukha nila, kabilang na ang mga opisyal.
Si Mark Anthony Barriga, isang lightflyweight, ay nag-qualify na sa Olympics, sinuwerte lang dahil ang tumalo sa kanya sa quarterfinals ng 2011 World Championships ay siyang nanalo ng gold.
Kung baga, parang wild card entry itong si Barriga. Hindi yata magandang tingnan kung ang kaisa-isa nating boxer sa 2012 Olympics ay sa pamamagitan lang ng wild card.
Nung 2008 Beijing Olympics, isang Pinoy boxer lang din ang umabot. Ito ay si lightfly Harry Tanamor na ‘di man lang lumampas sa first round. Talo at luhaan ding umuwi.
Mabuti pa nung mga nakaraang Olympics na kung saan ang Pilipinas ay nakakapag-padala ng maraming boxers. Sa 1988 sa Seoul, anim silang nakapunta at nanalo pa ng bronze si Leopoldo Serrantes.
Sa 1992 Olympics naman sa Barcelona, lima silang pumunta, kabilang na ang Chavez brothers na si Arlo at Ronaldo. Si Roel Velasco naman ang pinalad na nanalo ng bronze.
Sumunod naman si Onyok Velasco na nag-uwi ng silver mula sa 1996 Atlanta Olympics kung saan limang Pinoy ang nag-qualify. Sa 2000 sa Sydney, walang naiuwing medalya ang apat na Pinoy boxers
At pagdating naman sa Athens noong 2004, wala ring pinalad kina Tanamor, Violito Payla, Romeo Brin at Chris Camat. At yun nga, sa 2008 ay mag-isang bumiyahe si Tanamor.
Saan nga ba papunta ang amateur boxing natin? Mahirap lang magsalita pero marami ang naniniwala na hindi maganda ang sitwasyon sa kasalukuyan.
Bahala na si Suarez.