Suarez may tsansa
MANILA, Philippines - Umabante si lightweight Charly Suarez sa dalawang hakbang tungo sa pagsungkit sa puwesto sa London Olympics nang kanyang bugbugin si Abdylai Anarbay Ulu ng Kyrgyzstan, 14-5, sa pagpapatuloy ng Asian Olympic Qualifying boxing tournament sa Astana, Kazakhstan.
Ang 23-anyos na si Suarez na isang two-time SEA Games champion at sariwa sa pagsali sa World Series of Boxing suot ang uniporme ng Mumbai Fighters ng India, ay nagdikta mula sa simula hanggang sa matapos ang tatlong rounds para makausad na sa semifinals.
Tatangkain ni Suarez na marating ang championship round sa pagharap kay Daisuke Narimatsu ng Japan sa semifinals ngayong gabi.
Ang 22-anyos na si Narimatsu na isang two-time National champion, ay sumuntok sa 17-13 panalo laban kay Myrat Pazzyyev ng Turkmenistan.
Isang puwesto lamang ang ibinibigay sa Asia sa lightweight division sa London Games kaya’t ang lalabas na kampeon sa torneo lamang ang aabante.
“Mahirap ang dadaanan ni Charly pero kung may isang boksingero na kayang gawin ito, ito’y walang iba kundi si Charly mismo. Maganda ang kanyang kondisyon at motibasyon kaya kaunting suwerte lamang ang kailangan niya,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Sakaling manalo pa, ang makakatapat ng tubong Davao na si Suarez ay ang mananalo sa pagitan nina Qiang Liu ng China at Suraki Al-Waaily ng Iraq.
Ang 29-anyos na si Liu, na silver medalist sa 2011 Asian Championships, ay nanalo laban kay Enkhzorig Zorigtbaatar ng Mongolia, 15-12, habang ang 32-anyos na si Al-Waaily na silver medalist ng Arab Games noong nakaraang taon ay umani ng 17-11 panalo laban kay Forootan Golara ng Iran.
Limang boksingero ang ipinadala ng ABAP para sa kompetisyong ito pero namahinga na sina Rey Saludar, Joegin Ladon, Dennis Galvan at Wilfredo Lopez.
Nais ng Pilipinas na may lumusot na pambansang boksingero upang may makasama si light flyweight Mark Anthony Barriga sa Olympics.
Walang laban noong Martes at tiyak na ginamit ito ni Suarez para hasain pa ang diskarteng gagamitin para pataubin si Narimatsu.
- Latest
- Trending