MANILA, Philippines - Buo ang paniniwala ng pamunuan ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa kakayahan ni Charly Suarez sa inaasam na puwesto sa London Olympics.
Si Suarez na lumalaban sa lightweight, ang natatanging panlaban ng Pilipinas sa Asian Olympic Qualifying tournament sa Astana, Kazakhstan matapos mamahinga na sina Rey Saludar, Dennis Galvan, Joegin Ladon at Wilfredo Lopez.
Nasa quarterfinals na si Suarez at hinarap kagabi si Abdlay Anarbai Uulu ng Kyrgyzstan para sa puwesto sa semifinals.
Tanging ang gold medalist lamang sa 60-kilogram division ang mabibigyan ng puwesto sa Olympics kaya’t dalawang laban pa ang kailangang suungin ng tubong Davao na si Suarez para umabante.
“We’ve got a seasoned campaigner in Charly and he’s coming off a sensational stint in the World Series of Boxing. He has a tough task because he needs to win the gold medal to qualify for the Olympics. But if there’s one guy who can pull it off, it’s Charly,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Tanggap din ni Picson ang pagkatalo ng apat na iba pang inilaban at ito ay dahil sa matinding kalidad ng mga nakaharap bunga ng kawalan ng suwerte sa draw.
Si Saludar ay natulog sa second round laban kay Tugstsogt Nayambayar ng Mongolia sa flyweight, si Galvan ay yumukod kay Kim Chol Song ng North Korea, 8-18, sa light welterweight si Wilfredo Lopez ay talunan kay Qiong Maitituersen ng China, 10-20, sa welterweight habang si Ladon ay lumasap ng 8-13 pagkatalo kay Zhang Jiawei ng China sa bantamweight.
Anuman ang mangyari sa ginagawang kampanya, tiniyak din ni Picson na patuloy na gagawa ng mga programa ang ABAP sa hangaring makasabay sa paglakas ng ibang bansa.
Samantala, nasa Astana na rin sina ABAP president Ricky Vargas at secretary-general Patrick Gregorio para dumalo sa Extraordinary General Assembly ng Asian Boxing Confederation meeting ngayon.