San Beda umapela na sa Mancom sa suspension ng kanilang manlalaro
MANILA, Philippines - Inapela na ng San Beda College sa NCAA Policy Board ang ipinataw na suspension sa kanilang manlalaro dahil sa kaguluhan na kinasangkutan ng Red Lions at ng San Sebastian women’s volleyball team na nangyari sa San Beda gym.
Ayon kay athletic director Edmundo “Ato” Badolato, ang liham ng pag-apela ay pirmado ni SBC Rector-President Fr. Aloysius Ma. A Maranan, OSB at ipinadala na kahapon sa Policy Board na pangungunahan ni Letran Rector-President Fr. Tamerlane R. Lana, O.P.
Hinihiling ng paaralan na babaan ang ipinataw na suspension sa mga manlalarong nasabit sa kaguluhan habang idinadaos ang aksyon sa NCAA women’s volleyball sa nasabing gym.
Sina Olaide Adeogun at Julius Armon na mga banyagang manlalaro na sumasailalim pa sa residency ay ban sa papasok na 88th season habang sina Kyle Pascual, Jake Pascual, Jaypee Mendoza, Rysie Koga, Rome dela Rosa, Jose Carmelo Lim, Sundan Danial, Mar Villahermosa, Baser Amer at Antonio Caram ay pinatawan ng two-game suspension.
Hindi naman na isinama pa apela ang kaso ng coach na si Frankie Lim na binigyan ng dalawang taong suspension at ang assistant nitong si Edgardo Cordero na suspendido ng dalawang laro.
Matatandaan na si Lim ay nagpaalam na sa kanyang mga manlalaro noong Martes nang magdesisyon na bitawan na ang pagiging head coach ng Lions.
“Yes, the school has accepted his resignation and within the week, we will name the new coach,” pahayag ni Badolato.
Si Lady Stags volleyball coach Roger Gorayeb ay binigyan din ng 2-year suspension at inaasahang kikilos din ang pamunuan ng San Sebastian para iapela ito.
Nauna nang nagsabi si Fr. Lana, O.P., ng Letran College na siyang host ngayong taon, na bukas ang Policy Board na dinggin ang hinaing ng San Beda at San Sebastian dahil karapatan nila ang umapela.
- Latest
- Trending