Milojevic, Sanders kampeon
MANILA, Philippines - Tuluyang pinatunayan ni Nikola Milojevic ng Serbia ang pagiging top seed sa 23rd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships nang talunin ang 11th seed na si Jordan Thompson, 6-0, 7-5, at ibulsa ang boys’ singles title sa pagtatapos kahapon ng torneo sa Rizal Memorial Tennis Center.
Hindi naman nagpahuli kung pagpapasiklab ang pag-uusapan si Storm Sanders ng Australia nang kumpletuhin ang pagbangon mula sa qualifying round tungo sa paghablot sa girls singles title gamit ang 4-6, 6-3, 6-1, tagumpay kontra sa fourth seed na si Anna Tyulpa ng Russia.
Ito ang ikatlong sunod na torneo sa buwang kasalukuyan nina Milojevic at Sanders at tinabunan nila ang nararamdamang kapaguran ng masidhing hangarin na manalo upang magsilbing momentum tungo sa gagawing kampanya sa Europa.
Naramdaman ni Milojevic ang pagkapagal sa second set dahilan upang mawala ang 4-0 kalamangan at makatabla sa 5-5 si Jordan.
Pero naging agresibo uli ang ngayon ay number 7 sa mundo na si Milojevic para walisin ang sumunod na dalawang game.
Ito ang ikalawang sunod na titulo sa Grade I para sa 17-anyos, Serbian netter ngayong taon.
- Latest
- Trending