MANILA, Philippines - Hindi na pinagtagal ni AJ Banal ang mga manonood sa kanilang upuan nang patulugin agad sa first round si Raul Hidalgo ng Mexico upang mapanatiling suot ang WBO Asia Pacific bantamweight title na itinaya noong Sabado ng gabi sa Pacific Grand Ballroom ng Waterfront-Cebu City Hotel and Casino.
Isang malakas na kaliwang cross na nagpalambot sa tuhod ni Hidalgo at agad na pumasok si referee Danrex Tapdasan at itinigil agad ang laban may 2:29 sa orasan.
“When the safety of one boxer is in jeopardy, entertainment should yield and take a backseat,” wika ni Tapdasan sa desisyong tapusin agad ang laban.
Ito ang ika-27 panalo sa 29 laban ng 23 anyos na si Banal na mayroon ding 20 KO. May 10 sunod na panalo rin si Banal matapos lasapin ang unang kabiguan sa kamay ni Rafael Concepcion noong 2008 para sa interim WBA super flyweight title.
Matapos ang dominanteng panalo, balak ngayon ng promoter na si Michael Aldeguer na ipadala si Banal sa Oxnard, California upang dito magsanay sa ilalim ng batikang trainer na si Roberto Garcia, na hinahawakan sina Filipino world bantamweight champion Nonito Donaire Jr. at Brandon Rios.
Wala pang malinaw sa kung sino ang sunod na makakaharap ni Banal dahil nakadepende lahat ito sa ikikilos ni WBO bantamweight champion Jorge Arce na lalaban sa undercard sa bakbakang Manny Pacquiao-Timothy Bradley sa Hunyo 9.
“We don’t know yet whether he will defend his WBO title or move up in weight. Only until such time he can come up with a decision then we can make our most move for Banal,” wika ni Aldeguer.
Ang paboksing na ito na tinaguriang Pinoy Pride XIII-Road To Glory ay kinatampukan din ng tagumpay na naitala nina Rocky Fuentes at Prince Albert Pagara laban sa mga dayuhang katunggali.
Pinatulog ng flyweight na si Fuentes si Javier Franco ng Mexico sa sixth round habang ang bantamweight na si Pagara ay humirit ng second round knockout panalo laban kay Phupha Por Nobnom ng Thailand.