AUBURN HILLS, Mich. - May isinulat na mensahe sa kanilang mga sapatos, pinangunahan nina LeBron James at Dwyane Wade ang Miami Heat sa 88-73 paggupo sa Detroit Pistons.
Ang nasabing mensahe ay kaugnay sa pagkamatay ng isang black teenager na binaril ng isang neighborhood crime-watch volunteer sa Orlando, Florida.
Nakasuot si Trayvon Martin ng isang hooded sweatshirt nang barilin siya noong nakaraang buwan.
“As leaders, as role models, we’re happy that we’re able to shed light on a situation that we feel isn’t right,” sabi ni James. “That’s why we did that today.”
Nagposte si Wade ng 24 points, habang naglista si James ng 17 points at 10 assists.
Ito ang pang apat na sunod na panalo ng Miami.
Sina Wade at James ang nanguna sa pagkondena sa naturang krimen kung saan binaril ni neighborhood crime-watch volunteer George Zimmerman si Martin habang papasok ito ng kanilang gate bitbit ang isang candy at iced tea.
Naglagay si Wade ng kanyang larawan na may suot na hooded shirt sa kanyang Twitter at Facebook pages bago ito sinundan ni James at ng 13 pang Heat players.
Inilista ng Miami ang isang 26-point lead sa third quarter at hindi na nilingon pa ang Detroit hanggang sa fourth period.
Umiskor si Brandon Knight ng 18 points para sa Pistons.