MANILA, Philippines - Tumapos lamang sa pangatlong puwesto, may ipinagmamalaki pa rin ang Philippine Azkals sa 2012 AFC Challenge Cup na nagwakas noong Martes sa Kathmandu, Nepal.
Sa hanay ng Azkals lumabas ang pinakamatinding scorer ng torneo dahil kay Phil Younghusband iginawad ang Golden Boot Award.
Ang award na ito ay para sa booter na may pinakamaraming goal na naipasok at si Younghusband ay nakaanim sa torneo.
Tinapos ng dating reserve player ng Chelsea ang magandang ipinakita sa kompetisyon nang angkinin ang dalawa sa apat na goals ng Azkals tungo sa 4-3 panalo laban sa Palestine noong Martes para sa ikatlong puwesto.
Bago ito, si Younghusband ay nagparamdam sa mahalagang laro kontra sa India nang kunin ang dalawang goals para sa 2-0 panalo.
Sa laro kontra sa Tajikistan, ang striker ay may isa pang goal para igiya ang Pilipinas sa 2-1 tagumpay at naalpasan ng Azkals ang elimination sa 2-1 slate.
Ibinigay ni Younghusband ang maagang 1-0 iskor sa semis match kontra sa Turkmenistan pero nasayang ito dahil bumigay ang depensa ng Azkals at nagresulta ito sa dalawang goals ng Green Men sa huling 10 minuto ng tagisan upang itulak ang Azkals sa battle for third place.
Tinalo ni Younghusband ang pambatong manlalaro ng North Korea na si Park Nam Chol na hindi nakaiskor sa championship game laban sa Turkmenistan upang makontento sa 3 goals.
Hindi man pinalad, dalawang tropeo rin ang nahawakan ni Park dahil napanatili ng Koreans ang kanilang dominasyon sa liga sa 2-1 tagumpay sa Turkmenistan habang ang nasabing booter ang lumabas bilang Most Valuable Player ng palaro.