MANILA, Philippines - Napako na sa 11 ang bilang ng manlalaro na sasabak sa aksyon sa 23rd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships na opisyal na magsisimula ngayong umaga sa Rizal Memorial Tennis Center.
Hindi na nadagdagan pa ang lahok ng Pilipinas sa boys at girls singles nang natalo si Vince Russell Salas sa pagtatapos kahapon ng dalawang araw na qualifying round sa nasabing venue.
Nawala ang naunang tikas na naipakita ng 13-anyos na si Salas matapos sibakin ang fifth seed na si Zhu Zhi-cheng ng China noong Linggo matapos matalo kay Garvit Batra ng India, 6-2, 6-3.
Si Salas na lamang ang nalalabing manlalaro ng host country na lumaban kahapon dahil ang mga kakamping sina Arc Dolorito, Vernon Agnelli Huibonhoa, Jacob Lagman, Jeremiah Latorre at Eric Olivarez Jr. ay naunang nasibak sa first round.
Tanging si Maia Bernadette Balce lamang ang pambato ng bansa na pinalad na nakaabante sa main draw nang ang lady netter ay nanalo sa kababayang si Andrea Nicole Amistad, 6-0, 6-3.
Ang iba pang lumaban sa girls play na sina Maria Dominique Ong at Isabella Mendoza ay hindi umubra sa mga Japanese netters nang matalo si Ong kay Natsumi Chimura, 6-0, 6-2, at si Mendoza ay pinagpahinga ni Ayano Sonoda, 6-0, 6-0.