MANILA, Philippines - Itutulak ni Philippine Azkals team manager Dan Palami sa Philippine Football Federation (PFF) ang kanyang panukala na kunin ng bansa ang hosting ng susunod na AFC Challenge Cup.
“I will make a recommendation to PFF president Mariano “Nonong” Araneta that we host the qualifiers for the tournament and the finals as well,” wika ni Palami.
Sa 2014 gagawin ang susunod na AFC Challenge Cup at naniniwala ang team manager na may sapat na kakayahan ang Pilipinas para itaguyod ang prestihiyosong torneo na ito.
Napansin niya na ang ginagamit na pitch sa Nepal ay tulad sa mga pinaglalaruang field ng Azkals sa Pilipinas.
Nararapat na sa bansa gawin ang Challenge Cup dahil sa magandang ipinakita ng Pambansang koponan na nakagawa ng kasaysayan nang makapasok sa semiifinals sa taong ito.
Tinalo muna ng Azkals ang mga dating kampeon na India (2-0) at Tajikistan (2-1) sa Group elimination para makausad sa semis na kung saan minalas ang koponan na lumasap ng masakit na 1-2 pagkatalo sa Turkmenistan.
Angat ang Pilipinas 1-0 hanggang sa huling 10 minuto ng bakbakan pero napasukan sila ng dalawang goals sa loob ng anim na minuto upang mamaalam sa tagisan para sa kampeonato.
Babalik ang Azkals ngayong alas-4:30 ng hapon sa Dasarath Rangasala Stadium sa Kathmandu, Nepal upang sukatin ang Palestine sa battle for third place.
Yumukod ang Palestine sa nagdedepensang North Korea, 0-2, sa isang semifinal match.
Makakalaro na sina James Younghusband at Angel Guirado na nasuspindi sa laban kontra sa Green Men dahil sa tinamong ikalawang yellow card sa laro.