Solo 2nd tangka ng Llamados vs Aces
MANILA, Philippines - Mula sa kanilang malaking panalo laban sa Gin Kings at Express, target ng Llamados ang kanilang pangatlong sunod na panalo laban sa Aces para patuloy na solohin ang ikalawang puwesto.
Magtatagpo ang B-Meg ni coach Tim Cone at ang kanyang dating koponang Alaska ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang upakan ng Air21 at nanganganib na Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kasalukuyang nasa isang two-game winning run ang Llamados matapos talunin ang Ginebra Gin Kings, 109-93, noong Marso 11 at ang Express, 88-79, noong Marso 3 para sa kanilang tsansang masilo ang isa sa dalawang automatic semifinals ticket.
Bitbit pa din ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang liderato mula sa kanilang 5-1 kartada kasunod ang B-Meg (4-2), Alaska (4-3), Meralco (4-3), Air21 (3-2), Powerade (3-3), Barangay Ginebra (3-3), Petron (3-4), Barako Bull (2-4) at Rain or Shine (1-5).
Sa naturang panalo sa Gin Kings, humakot si import Denzel Bowles ng 27 points at 15 rebounds, habang may tig-18 markers naman sina PJ Simon at rookie guard Mark Barroca kasunod ang 15 ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap at 12 ni Josh Urbiztondo.
“Denzel played well three ways--defense, offense and getting the rebounds. That’s what we’re looking for from him,” pagpuri ni Cone sa 6-foot-10 na si Bowles.
Isang malaking 93-88 tagumpay naman ang inilista ng Aces ni mentor Joel Banal laban sa Boosters noong Miyerkules para palakasin ang kanilang tsansa sa isa sa dalawang outright semifinals berth.
Sa ikalawang laro, target naman ng Express ang kanilang ikatlong dikit na ratsada sa pakikipagharap sa Elasto Painters.
- Latest
- Trending