MANILA, Philippines - May ilalabas pa ang Philippine Azkals.
Ito ang binanggit ni Azkals coach Hans Michael Weiss na senyales na may kakayahan pa ang koponan na gulatin ang mas malakas na Tajikistan sa kanilang krusyal na pagtutuos sa pagtatapos ng 2012 AFC Challenge Cup group elimination ngayon.
Ang labanan sa Halchowk Stadium sa Kathmandu, Nepal ay itinakda sa ganap na alas-5 ng hapon at ang mananalo ang siyang makakasama ng nagdedepensang North Korea sa semifinals mula Group B.
Nabuhay pa ang laban ng Pilipinas na maalpasan ang eliminasyon matapos ang 2-0 panalo sa India noong Linggo.
Si Phil Younghusband ang siyang nagbida sa Azkals nang angkinin ang dalawang goals habang ang goalie na si Neil Etheridge ang nanguna sa depensa ng koponan para maitabla ang karta sa 1-1 at umani ng 3 puntos na siya ring baraha ng Tajikistan.
Matapos manalo sa India (2-0), bigo ang Tajik booters sa North Korea, 2-0, upang maitakda ang knockout game na ito.
Sakaling walang makaiskor matapos ang 90-minutong bakbakan, ang laro ay mauuwi sa penalty shootout upang madetermina kung sino ang aabante sa semis na magsisimula sa Marso 16.
“The win has provided much needed confident to us ahead of the important match against Tajikistan,” wika ni Weiss na nagdiwang ng kanyang ika-52 kaarawan noong Linggo.
Naniniwala rin ang German coach na may lalabas pang Azkals upang balikatin ang koponan para sa mahalagang laban na ito.
“Some players are still adjusting with the high altitude problem and jet lagged. I expect more from the squad and I can say that this team can play much better game than what we showed against India,” dagdag pa ni Weiss.
Ang Tajikistan na mas mataas ng 11 ranggo sa Pilipinas sa FIFA ranking sa kanilang 145, ay tiyak din na gagawin ang lahat ng makakaya upang manalo at mapanatili ang mataas na pagtingin sa bansa kung paglalaro sa Challenge Cup ang pag-uusapan.
Hindi pa nakakasali sa World Cup, malakas na puwersa naman ang Tajikistan dahil sila ang kampeon sa unang edisyon noong 2006 bago pumangalawa at pumangatlo noong 2008 at 2010 edisyon.
Kung may isang plus factor para sa Azkals, ito ay ang kapansin-pansin na pagbaba sa tinapos ng Tajik booters mula noong 2006.