MANILA, Philippines - Bumigay ang depensa ng Philippine Azkals sa second half dahilan upang maitakas ng North Korea ang 2-0 panalo sa 2012 AFC Challenge Cup kagabi sa Halchowk Stadium, Kathmandu, Nepal.
Nailusot ni Korean team captain Park Nam Chol ang isang header mula sa cross mula sa kaliwang side ni Jong-il Gwan para sa unang goal ng laro may 58 minute sa orasan.
Ang ikalawang goal ng koponang naglaro sa World Cup noong 2010, ay hatid ng pamalit na si Jang Kuk-Chol nang naging alisto ito matapos sipain ang bolang nabitiwan ni Azkals goalie Neil Etheridge sa 70th minute.
Ang masamang second half game ang nagsantabi sa solidong ipinakita ng Azkals sa first half nang nakipagsabayan sila sa Koreans, ang 2010 Challenge Cup champions, sa paglatag ng matinding depensa upang mauwi sa 0-0 ang iskor matapos ang 45 minutong paglalaro.
Sa pagkataong ito, ang Pilipinas na nasa Group B sa walong koponang liga ay kailangang manalo laban sa India bukas sa ganap na alas-7 ng gabi upang manatiling palaban sa unang dalawang puwesto sa grupo na aabante sa semifinals.
Huling asignatura ng Pilipinas na huling naglaro sa Challenge Cup ay noon pang 2006, ay ang Tajikistan sa Marso 13.
Samantala, nangunguna naman sa Group A ang Turkmenistan at Palestine nang magwagi sila sa kanilang unang laro.
Tinalo ng Turkmenistan ang Maldives, 3-1, habang umukit ng 2-0 panalo ang Palestine sa host team.