MANILA, Philippines - Inaalam ngayon ng Philippine Football Federation (PFF) sa Asian Football Confederation (AFC) kung sino sa kanilang dalawa ang dapat na manguna sa imbestigasyon patungkol sa sexual harassment na idinulog ni Cristy Ramos laban sa mga Azkals players na sina Lexton Moy at Angel Guirado.
Ayon sa pangulo ng PFF na si Mariano “Nonong” Araneta, nakasaad sa Article 70 at 71 sa AFC Disciplinary code na ang host country na nagsagawa ng friendly game ang siyang dapat na mag-imbestiga sakaling may mga problemang lalabas matapos ang palaro.
Si Ramos ay nagsampa ng kanyang reklamo sa AFC bilang match commissioner ng tagisan ng Azkals at Malaysia Tigers noong Pebrero 29 sa Rizal Memorial Football Pitch.
“Nakalagay sa disciplinary code na kung mayroong disciplinary infringement na mangyayari sa isang friendly game, ang mag-action niyan ay ang host, in this case the PFF. Hindi naman kasi AFC ang nag-organize nito kundi sanctioned lamang ang kanilang ibinigay,” wika ni Araneta na ipinadala ang liham sa AFC noong Martes.
Kasabay nito ay nagpahayag ng kalungkutan si Araneta sa patuloy na pagpapahayag ng mga komentaryo ang mga taong nasangkot at iba pa.
Inakusahan ni Ramos, anak ng dating Pangulong Fidel V. Ramos at ngayon ay opisyales sa women’s committee sa AFC at FIFA, ng sexual harassment sina Moy at Guirado nang maghayag umano ang una sa size ng bra ni Ramos at ang huli ay humarap ng naka briefs.
Kumilos na ang disciplinary committee na pinamumunuan ni Atty. Eric Ingles at pinadalhan ng liham ang nagreklamo at inirereklamo na magpahayag ng kani-kanilang komento sa nangyari.
Dahil sina Guirado at Moy ay nasa Nepal at kasama ng Azkals na lalaro sa AFC Challenge Cup, sila ay magbibigay ng kanilang komento 24 oras matapos makabalik sa bansa sa susunod na linggo.