MANILA, Philippines - Isang beterano ng National Basketball Association (NBA) at mga international tournaments ang kinuha ng Talk ‘N Text bilang kapalit ni Omar Hassan Samhan para sa kanilang kampanya sa 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Ipaparada ng Tropang Texters si 6-foot-10 Donnell Harvey laban sa Air21 Express bukas ng alas-5:15 ng hapon sa Smart-Araneta Coliseum.
“He’s from the University of Florida. He just finished a stint in the Chinese league,” ani 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag kay Harvey na dumating sa bansa noong Sabado at agad na nakipag-ensayo sa Talk ‘N Text.
Si Samhan ay nagkaroon ng ACL injury sa kanilang 110-98 panalo laban sa Alaska noong Pebrero 26.
Naglaro si Harvey sa NBA para sa mga koponan ng New Jersey Nets, Denver Nuggets, Dallas Mavericks, Orlando Magic at Phoenix Suns. Siya ay hinirang ng New York Knicks bilang 22nd overall pick sa 2000 NBA Draft bago siya dinala sa Mavericks kasama si John Wallace kapalit nina Erick Strickland at Pete Mickeal.
Ang 32-anyos na si Harvey ay kumampanya din para sa Banvitspor sa Turkey, para sa Carolina Giants sa Puerto Rico at para sa Bosnian club KK Igokea.
Kasalukuyang hawak ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang malinis na 3-0 rekord kasunod ang Barangay Ginebra (3-1), Alaska (3-2), B-Meg (3-2), Petron Blaze (3-2), Powerade (2-2), Barako Bull (2-3), Air21 (1-2), Rain or Shine (1-4) at Meralco (1-4).
Samantala, sa pagkakaroon ng Petron Blaze ng isang 6-foot-10 import sa katauhan ni Nick Fazekas, kailangan ni Arwind Santos na baguhin ang kanyang laro.
Sa huling dalawang sunod na panalo ng Boosters, si Santos ang bumandera para tanghalin siya bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Nagtumpok ang dating King Tamaraw ng Far Eastern University ng mga averages na 23.0 points, 11.5 rebounds, 3.0 assists at 2.0 shotblocks per game sa 102-88 at 110-103 panalo ng Petron laban sa Air21 at Rain or Shine, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ni Santos para sa weekly honors sina Talk’N Text guard Jason Castro at Barangay Ginebra scorer Mark Caguioa.