Lady Archers Pinataob Ang Eagles
MANILA, Philippines - Bumangon mula sa first set pagkatalo at anim na puntos na paghahabol sa third set ang La Salle upang makumpleto ang 23-25, 25-21, 26-24, 25-18, panalo laban sa Ateneo sa idinaos na UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ang itinalaga bilang Best Blocker na si Michelle Gumabao ay nakipagtulungan sa beteranong si Charleen Cruz at mga bagitong sina Ara Galang at Mika Reyes para ilapit ang Lady Archers sa isang panalo tungo sa paghablot ng ikapitong titulo sa women’s volleyball.
Inangkin naman ng FEU ang 25-20, 25-21, 25-22, panalo laban sa UST upang ilapit din ang sarili sa posibleng kampeonato sa men’s division.
“Susi ang blocking namin at naging aggressive ang mga bata,” wika ni La Salle coach Ramil de Jesus.
Si Gumabao ang nanguna sa blocking sa limang ginawa sa laro. Pero naghatid din siya ng 12 attack points at 1 service ace tungo sa 18 puntos.
“Maganda ang pagtanggap namin matapos matalo kami sa kanila sa Game One. Sa Game Three ay gagawin namin ang dapat gawin para makuha ang panalo,” ani Gumabao.
Inakala ng panatiko ng Lady Eagles na makakadalawang sunod sila sa Lady Archers na hinawakan ang 1-0 kalamangan sa best-of-five series bilang insentibo sa pagkaka-sweep sa double round elimination, matapos hawakan ang 16-10 sa third set.
Ngunit ininda ng koponan ang magkasunod na service errors at reception errors upang makahulagpos ang panalo kahit lumapit sa 24-22 ang Lady Eagles.
- Latest
- Trending