MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang pagsisikap ni Nestor Padua ng San Jose City Nueva Ecija nang manalo ng ginto sa athletics event sa pagsisimula kahapon ng Central Luzon Athletics Association sa Zambales Sports Complex sa Iba.
Humanga ang mga nakasaksi kay Padua dahil palayo nang palayo ang marka na ginawa niya sa unang lima sa anim na tangka sa javellin.
Nasungkit ng 12-anyos na lumahok sa CLRAA na itinataguyod ngayon nina Governor Hermogenes Ebdane Jr., at anak na Kongresista na si Jun Omar Ebdane, sa unang pagkakataon nang umabot sa 42.09 metro ang ikalimang attempt nito.
“First time ko pong sumali rito at hindi ko naman inasahang ganito ang ibabato ko. Ang dati kong best ay nasa 28 meters sa district meet,” ani Padua, ang mga magulang ay kapwa magsasaka at grade-four student sa San Agustin Elementary School.
Malayong nasa ikalawang puwesto naman si Mark Juan ng Tarlac Province sa ibinatong 36.83m habang ang bronze ay napunta kay Elias Clares ng Bulacan sa 36.35m marka.
Pupuntiryahin ni Padua na bunso sa 7 magkakapatid ang ikalawa at ikatlong ginto sa paglahok sa elementary boys discuss throw at high jump.
Nakihanay sa mga nagwagi sina Aira Collaine Tiburcio nfg Tralac City at Jackielyn Alviar ng Munoz City nang mangibabaw sa elementary girls shotput (8.12m) at secondary girls long jump (4.83m), ayon sa pagkakasunod.
Pinasalamatana naman ni Ebdane ang pagbabalik ng CLRAA sa Zambales matapos ang 18-taon.
“Kung dati ay halos nakalimutan na ang complex na ito, ngayon ay isa na itong simbolo ng pagkakaisa at pinagsamang lakas ng Zambaleno,” wika ng gobernador.