Talk 'N Text Makakatapat Ang Meralco
MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na pagdedepensa sa PBA Philippine Cup title, sisimulan naman ng Talk 'N Text ang pagtatanggol sa kanilang Commissioner's Cup crown.
Haharapin ng Tropang Texters ang sister team na Meralco Bolts ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang labanan ng Powerade Tigers at Rain or Shine Elasto Painters sa alas-7:30 ng gabi sa 2012 PBA Commissioner's Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Tinalo ng Talk 'N Text ang Powerade, 4-1, sa kanilang best-of-seven championship series para sa pagdedepensa ng kanilang PBA Philippine Cup.
Ipaparada ng Tropang Texters si import Omar Hassan Samhan bukod pa kina 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag, Kelly Williams, Jayson Castro, Ranidel De Ocampo at Ryan Reyes katapat sina Jarrid Famous, Mac Cardona, Sol Mercado at Asi Taulava,
Ang 6-foot-11 na si Samhan ay produkto ng St. Mary's College sa California, USA kung saan nagtapos si Ali Peek at naglaro para sa Dallas Mavericks sa NBA Summer League ngunit hindi siya nakuha sa final line-up.
“We’ve just had four practices with our import,” sabi ni Talk ‘N Text coach Chot Reyes kay Samhan.
Nanggaling naman ang Bolts sa 105-83 paglampaso sa Petron Blaze Boosters noong Miyerkules
Matapos matalo sa Talk 'N Text, umagaw ng eksena ang Powerade nang lumitaw ang tangkang pagbebenta ng prangkisa nito sa San Miguel Corporation bukod pa sa pagdadala kay Fil-Am rookie Marcio Lassiter kapalit nina Nonoy Baclao at Rey Guevarra.
Ipaparada ng Tigers si import Dwyane Jones katuwang sina Lassiter, Gary David, Sean Anthony, Doug Kramer at Celino Cruz.
“We have to be careful not to put to waste whatever gains we have achieved last conference,” ani Powerade mentor Bo Perasol. “The reality is we have to battle every game. We had our best performance the last time only because we fought hard and we struggled as one.”
Nanggaling ang Elasto Painters sa 102-109 pagkatalo sa Alaska Aces noong Pebrero 12.
- Latest
- Trending