MANILA, Philippines - Maagang pag-aagawan ng B-Meg at Barako Bull ang liderato, habang mag-uunahan namang makabangon sa kani-kanilang pagkatalo ang Petron Blaze at Meralco.
Magtatagpo ang Llamados at ang Energy ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang banggaan ng Boosters at Bolts sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“It was actually a struggle, but it’s always a struggle in the first game,” sabi ni coach Tim Cone sa 96-93 panalo ng B-Meg laban sa Meralco noong nakaraang Biyernes. “You’re not clean with what you do. But it’s good to get the first win under your belt.”
Sa naturang tagumpay kontra sa Bolts, humakot si 6-foot-10 European League veteran Denzel Bowles ng 27 points at 11 rebounds.
Si two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller naman ang nagbida para sa 98-78 paggupo ng Barako Bull sa Alaska.
“No celebration yet. We have a good import but he’ll only be good if the locals are good,” wika ni mentor Junel Baculi sa kanilang 6’10 reinforcement na si DeMarr Johnson na nagtala ng 19 points at 8 boards.
Maliban kay Bowles, aasahan rin ng B-Meg sina two-time PBA MVP James Yap, Joe Devance, Marc Pingris, Rafi Reavis at dating Barangay Ginebra small forward JC Intal katapat sina Johnson, Miller, Leo Najorda, Ronald Tubid at Dorian Peña ng Barako Bull.
Sa ikalawang laro, magpipilit namang makabawi ng Meralco at Petron Blaze mula sa kanilang pagkatalo.
Nabigo ang Bolts sa Llamados, 93-96, sa kabila ng game-high 32 markers ni Mac Cardona at 24 ni import Jarrid Famous, samantalang nakatikim naman ang Boosters ng 82-84 kabiguan sa Gin Kings noong Linggo.
Inaasahang magbabantayan sina Famous ng Meralco at Nicholas Fazekas ng Petron Blaze.