PH Patriots nagpakatatag pa

MANILA, Philippines - Ipinakita ni Al Vergara ang kalidad ng kanyang laro laban sa dating koponan nang maging instrumental sa kinuhang 80-75 panalo ng AirAsia Philippine Patriots laban sa Singapore Slingers sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) noong Linggo sa Singapore Indoor Stadium.

Ang 5’7 point guard na naging import sa Slingers sa unang dalawang taon ng ABL ay nagkalat ng pitong puntos sa ikatlong yugto upang tulungan ang Patriots na ma-outscore ang host Slingers, 28-18, at ilayo ang koponan sa 59-54.

Nagawa mang makatabla pa ang Slingers sa 67-68 sa tres ni Wei Long Wong, nakagawa ng mag­kasunod na transition points si Nakiea Miller at jumper si Anthony Johnson at itinulak ang Patriots sa 74-67 bentahe na nagtiyak ng panalo.

“Malaking tulong ang magandang inilaro ni Al lalo na ang kanyang tres sa third period na nakatulong para maisantabi ang masamang tawagan ng referee sa amin,” wika ni Patriots coach Glenn Capacio na tinuhog ang ikaapat na sunod na tagumpay tungo sa nangungunang 5-1 baraha.

Dahil sa mahigpit na tawag ng mga referees sa Patriots, si Miller ay nali­mitahan lamang sa 18 mi­­nutong paglalaro dahil sa pagkakalagay sa foul trouble.

Tumapos lamang ito ta­ngan ang 10 puntos at 3 rebounds bukod sa 3 steals pero nabawi ito dahil sa magandang ipinakita ng mga locals at ni Johnson.

May 26 puntos sa 11 of 19 shooting si Johnson habang si Vergara ay tumapos taglay ang 14 puntos bukod pa sa 3 assists, 2 rebounds at 1 steal.

Ang mga higante ng Patriots na sina Angel Raymundo at Aldrech Ramos na nagbabalik mula sa injury ay nagsanib sa 20 puntos at 10 rebounds.

Nakita rin sa laro ang pag­kakatalsik ni Ardy La­rong nang kanyang bigyan sa sikmura ang da­ting import ng Patriots na naglalaro sa Slingers na si 6’11” Donald Little matapos maniko ang import.

“Ayokong magalit dahil masama ito sa kalusugan ko pero grabe ang tawagan at talagang nakaka-high blood,” ani pa ni Capacio.

Bumagsak ang Sli­ngers sa ikalawang sunod na kabiguan tungo sa 4-3 karta.

Sunod na laro ng Pa­triots ay laban sa nagdedepensang Chang Thailand Slammers sa Pebrero 18 sa Thai-Japanese Association Gym sa Bangkok .

Show comments