NLEX kukunin na ang korona laban sa Freego

MANILA, Philippines - Asahang mas mainit na laro ang ipakikita ng nag­­dedepensang NLEX Road Warriors sa muling pag­­kikita nila ng Freego Jeans sa Game Two ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa San Juan Are­na.

Ang laro ay ngayong alas--3 ng hapon at nais ng Road Warriors na sundan ang inang­king 75-51 dominasyon sa Jeans Makers sa Game One noong Huwebes para wakasan na ang kanilang best-of-three title series.

Bago sumambulat ang sa­gupaan ay ihahayag mu­na ang napili bilang Confe­rence Player of the Year.

Naniniwala si NLEX coach Boyet Fernandez na handa ang kanyang bataan na tapusin na ang serye at mapagtagumpayan na mapanatili sa kanilang poder ang kampeonatong inangkin sa Foundation Cup laban sa Cebuana Lhuillier gamit ang 2-0 sweep.

“Expect kong gagawa ng mga adjustments ang ka­laban dahil wala lang sila sa kondisyon sa Game One. Kaya kailangang hindi mawala ang focus ng pla­yers dahil hindi pa tapos ang series na ito,” wika ni Fer­nandez.

Ang angking height advantage ng Road Warriors ang isa sa mga gagamitin ng koponan upang makumpleto ang pagwalis sa Jean Makers.

Si 6-foot-6 Ian Sangalang na tumapos taglay ang 20 puntos mula sa res­petadong 9-of-14 fieldgoal shooting ang mamumuno sa Road Warriors bukod pa kina Calvin Abueva, RR Garcia, Clifford Hodge, Garvo Lanete at Chris Ellis.

Isang araw na pahi­nga ang sinasandalan ni Freego Jeans coach Leo Austria na makakatulong upang manumbalik ang pag­kauhaw na manalo ng kan­yang bataan.

“Para manalo kami ay da­pat mas kakitaan kami ng intensity. Kailangan ng hussle at maging madiskarte sa bawat play,” wika ni Austria.

Si Lester Alvarez ang pinaka-consistent na manlalaro ni Austria pero sa Game Two ay dapat itong ma­kakuha ng mas magandang suporta sa ibang ka­kampi.

Ang mga bigmen na sina Eric Camson at Lionel Man­yara ay sinisiw ng frontliners ng NLEX, habang sina Alex Nuyles at Janus Lo­zada ay nalimitahan lamang sa pinagsamang 9 puntos para mapag-iwanan ang Jeans Makers.

Kung sakaling manana­ig ang Freego Jeans, ang Game Three ay itinakda sa Huwebes sa Yña­res Sports Arena sa Pa­sig City.  

Show comments