Donaire nag-init agad
MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, naging emosyonal ang paghaharap nina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at Wilfredo Vazquez, Jr. kahapon sa kanilang press conference sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Halos magpang-abot sina Donaire at Vazquez sa ibabaw ng podium matapos galawin ng Puerto Rican ang suot na cap ng tubong Talibon, Bohol.
Tinanggal naman ni Donaire ang suot na skull cap ni Vazquez na siyang nagpainit sa eksena kung saan nagsigawan at nagtulakan ang dalawa hanggang paghiwalayin ng kanilang mga kampo.
Umakyat naman sa podium ang Mexican trainer ni Donaire na si Robert Garcia para awatin si Vazquez na minasama nito at gusto pang hamunin ang dating world champion.
“Even before he went on stage to talk he was fired up and when he told me I’m fired up Robert I can’t wait to fight,” ani Garcia kay Donaire. “When they faced off that’s when it got Nonito totally excited and ready to go.”
Kamakailan ay nag-asaran sa pamamagitan ng Twitter ang mga asawa nina Donaire at Vazquez na sina Rachel at Jackelyn.
Pag-aagawan nina Donaire at Vazquez ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title bukas sa Alamodome, San Antonio, Texas.
“I’ll have fun with it. It is something I’m still trying to perfect, still trying to master. I’ll just keep it all the time in my training,” wika ni Donaire sa kanyang gagawing footwork laban kay Vazquez.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban si Donaire sa super bantamweight division matapos magkampeon sa flyweight category ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) at sa World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight class.
Kamakailan ay tumimbang ang 27-anyos na si Vazquez ng 132 pounds at kailangan niyang tumimbang ng 122 pounds pababa sa araw ng kanilang weigh in ng 29-anyos na si Donaire.
Bitbit ni Donaire ang 27-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs slate, samantalang may 21-1-1 (18 KOs) card si Vazquez, naisuko ang dating suot na WBO super bantamweight title kay Mexican Jorge Arce via 12th-round TKO noong Mayo 7, 2011.
- Latest
- Trending