MANILA, Philippines - Hindi pa rin nagigising ang boxer na si Karlo Maquinto na nawalan ng malay ilang minuto matapos ianunsyo ang pagkakatabla sa laban nila ni Mark Joseph Costa na nangyari noong Sabado ng gabi sa Recom Dome sa Caloocan City.
Walong rounds naglaban ang dalawang boksingero at maayos pang nakatayo si Maquinto na may 6-0 karta at 4 KO nang hinarap si Costa.
Pero biglang bumuwal ito at agad na itinakbo sa ospital ng FEU na kung saan na-comatose ito dahil sa hematoma.
Ayon sa mga nagbabantay na kamag-anak ay nagsabi na umano ang mga tumitingin na doctor na malamang ay hindi na magising pa ang nasabing boksingero.
“Nag-promote ako dahil gusto ko ring makatulong sa mga kagaya kong boksingero kaya talagang nakakalungkot ang nangyari na ito” wika ni dating world champion Gerry Peñalosa na binisita kahapon sa ospital si Maquinto.
Ito ang unang laban ni Maquinto na kabilang ng Shape-Up Boxing Gym sa Baguio City sa taong ito matapos isalang sa anim na laban noong 2011.
Ang huling dalawang panalo nito ay sa pamamagitan ng technical knockout laban kina Argie Toquero at Zoren Pama na nangyari noong Disyembre at Nobyembre.
Si Costa ay may apat na panalo sa 10 laban sapul nang nag-pro noong 2009 at ang nasabing laban ay pangalawa na sa taon matapos harapin si William Amora noong Enero 13 lamang at nanalo siya sa pamamagitan ng first round knockout.
Ang main event ng bakbakan ay sa pagitan nina Dodie Boy Peñalosa Jr. at Super James Singmanassak at nanalo si Peñalosa sa pamamagitan ng first round KO.