Tim Duncan isinalba ang Spurs kontra sa Hornets
NEW ORLEANS — Isinalpak ni Tim Duncan ang isang running hook shot sa huling 1. 4 segundo para ilusot ang San Antonio Spurs laban sa New Orleans Hornets, 104-102.
Naalala tuloy ni Tony Parker ang maalamat na si Kareem Abdul-Jabbar mula sa naturang tira ni Duncan.
“It was a mix of Kareem Abdul-Jabbar and Magic Johnson—a kind of sky-hook, and we’ll take it,” ani Parker sa nasabing 13-foot game-winner ni Duncan kontra kay Hornets center Emeka Okafor.
Tumapos si Duncan na may season-high 28-points para sa San Antonio kasabay ng pagpapalasap sa New Orleans ng pang walong sunod nitong kabiguan.
Nagdagdag si Parker ng 20 points at career-high 17 assists para sa Spurs kasunod ang 14 points ni Richard Jefferson at 12 ni Tiago Splitter.
Pinamunuan ni Jarrett Jack ang Hornets sa kanyang 26 points at 9 assists.
Nag-ambag naman sina Trevor Ariza at Landry ng tig-18 points.
Sa iba pang laro, binigo ng Philadelphia ang Washington, 103-83; dinaig ng Boston ang Orlando, 87-56; giniba ng Oklahoma City ang Detroit, 99-79; iginupo ng Houston ang Minnesota, 107-92; pinayukod ng Chicago ang New Jersey, 110-95; hiniya ng Atlanta ang Milwaukee, 97-92; ginitla ng Dallas ang Phoenix, 93-87; pinasadsad ng Portland ang Sacramento, 101-89; at tinakasan naman ng Memphis ang Golden State, 91-90.
- Latest
- Trending