Sa ikalawang sunod na charity game ay muling natalo ang Philippine Azkals.
Nabigo ang Azkals sa bisitang Icheon Citizen FC, 4-2, sa penalty shootout sa kanilang charity match kagabi sa Rizal Memorial Football Stadium.
Naitabla ni Fil-Italian Marwin Angeles ang Azkals sa 1-1 mula sa kanyang goal sa pang 89 minuto sa second half bago nauwi sa penalty shootout ang laban.
Nauna nang yumukod ang Azkals sa Spanish team sa isang charity game kamakailan.
Samantala, nabalam ang dapat sana ay maagang paghahanda ng Philippine Azkals para sa 2012 AFC Challenge Cup na nakatakda sa Marso sa Nepal.
Ito ay dahilan sa kabiguan ni German head coach Michael Weiss na makumpleto ang Azkals.
“The guys are in good spirits but the group is not complete,” sabi ni Weiss, natapos ang isang ‘twice-a-day sessions’ ng Azkals noong Martes.
Nakabangga ng mga miyembro ng Azkals ang iskedyul ng United Football League at naaayos lamang ito noong nakaraang linggo matapos ang pulong ng Philippine Football Federation/Azkals management at league officials.
Sa ilalim ng kanilang kasunduan, papayagan ng mga UFL clubs ang mga Azkals players na makapag-ensayo sa national squad sa loob ng tatlong araw at dalawang araw naman sa kanilang mga mother clubs.
Pakakawalan ng mga UFL teams ang mga miyembro ng Azkals para sa kanilang training camp sa Dubai at Qatar sa Pebrero 5-17.