POC 'di hihingi ng pondo sa PSC para sa London Olympics
MANILA, Philippines - Hindi hihingi ng pondo ang Philippine Olympic Committee (POC) sa Philippine Sports Commission (PSC) kung pagpapadala ng manlalaro sa London Olympics ang pag-uusapan.
Sa pagdalo ni POC first vice president at Chief of Mission sa Olympics Manny Lopez sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon, ibinunyag niya ang pagkakatatag ng isang marketing arm na pangungunahan ni Tats Suzara para mangalap ng pondong igugugol sa pagpapadala ng manlalaro sa London.
Maliban sa pangangalap ng pondo, makikipag-ugnayan din ang POC sa London Olympic organizers upang hingiin ang tulong pinansyal sa pagpapadala ng ilalabang manlalaro.
“Kasama sa ipinangako ng London organizers bago iginawad sa kanila ang hosting ay ang pagtulong sa gastusin ng ipadadalang atleta ng bawat bansa na aabot sa 787 pounds. Ang IOC ay magbibigay din ng 25,000 pounds sa mga kasaping bansa para itulong sa gastusin. Kaya wala akong nakikitang problema kung pondo para sa Olympics ang pag-uusapan,” wika ni Lopez.
Sa kasalukuyan ay isa pa lamang ang atleta ng Pilipinas na nakapasok na sa pinaka-prestihiyosong kompetisyon sa mundo sa katauhan ni boxer Mark Anthony Barriga.
Ang athletics at swimming na mga mandatory sports ay bibigyan din ng tig-isang male at female athletes kaya’t lima na ang tiyak na bilang ng Pambansang delegasyon.
- Latest
- Trending