SBP grassroots program pagtutuunan ng pansin
MANILA, Philippines - Tututok ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pagpapalakas ng kanilang grassroots programs sa unang hati ng taong 2012.
Sa pagdalo ni SBP executive director Sonny Barrios at deputy ED Bernie Atienza sa PSA Forum kahapon, kanilang ipinaalam ang tatlong national championships sa iba’t-ibang age groups na ilalarga ng asosasyon.
Unang sasambulat ay ang U-16 na gagawin mula Enero 22 hanggang 28 sa Baguio City bago isunod ang U14 sa Pebrero na isang 3-on-3 event at ang huli ay ang U18 sa Mayo na maaaring isabay sa Philippine National Games sa Dumaguete City.
Ang mga kompetisyong ito ay bukas sa kalalakihan at kababaihang manlalaro.
“Mahalaga ang grassroots programs dahil dito lumalabas ang mga pamalit na stars sa anumang sports. Mabibigyan din ng pagkakataon ang mga batang manlalaro na maipakita ang kanilang husay ngayon pa lamang,” wika ni Barriors.
Idinagdag ni Atienza na may 15 koponan, 10 sa kalalakihan, mula sa limang areas na tinukoy ng SBP ang sasali sa U16.
“Ang mga kasali ay mga kampeon sa limang area championships na naunang idinaos. Ang paborito dito ay ang Holy Cross of Davao dahil palagian silang palaban sa basketball at UST bukod pa sa host University of Baguio,” pahayag ni Atienza.
Ang iba pang kasali ay ang ST. Clare College-Caloocan, La Union College of Nursing, Arts And Science, St. Bridget School-Batangas, St. John Institute of Bacolod, University of Visayas, Sacred Heart of Jesus Montessori of Cagayan de Oro at Claret School of Zamboanga.
Ang St. Clare, University of Baguio, Sta. Isabel Naga, Assumption Davao at isang koponan mula sa Dagupan City, Pangasinan ang magtutuos sa women’s division.
- Latest
- Trending