Yi nagpasiklab sa kanyang debut sa Mavericks, tinalo ang Pistons
DETROIT, Michigan--Naging maganda ang debut game ni Yi Jianlian sa Dallas nitong Martes matapos niyang tulungan ang reigning NBA champion Mavericks na masikwat ang kauna-unahang panalo sa labas ng kanilang bakuran sa season nang igupo ang host team, 100-86.
Galing ang 24-anyos Chinese playmaker sa bench may 5:24 ang nalalabi sa laro nang humatak ito ng rebound at humugot ng foul sa kanyang season debut.
Sumapi ang 7-foot forward sa Mavericks sa kanyang unang workout nitong Martes ng umaga bago ang kanilang laro kung saan idineklara niya na nakahanda na siya sa anumang hamong haharapin sa kampanya ng Mavs sa NBA.
“I will be ready to play,” wika ni Yi.
Si Yi ang ika-6th pick noong 2007 NBA Draft at ang Mavericks ang kanyang ikaapat na NBA team kung saan lumaro siya sa Milwaukee Bucks, New Jersey Nets at Washington Wizards.
Bunga ng panalong ito, napaganda ng Dallas ang kanilang record sa 5-5 sa likod ng 18 puntos ni Dirk Nowitzki, habang nagdagdag naman si Vince Carter ng 11 puntos upang ipalasap sa Pistons ang kanilang ikawalong kabiguan.
Sa iba pang laro, nanalo ang Oklahoma City Thunder sa Memphis Grizzlies, 100-95, pinasadsad ng L.A. Lakers ang Phoenix Suns, 97-83, hiniya ng Milwaukee Bucks ang San Antonio Spurs, 106-103 at nanaig ang Chicago Bulls sa Minnesota Timberwolves, 111-100.
- Latest
- Trending