Dasal ni Pacman para kay Mayweather dininig ni Lord
MANILA, Philippines - Hindi alam ni Floyd Mayweather, Jr. na sapul nang masentensyahan siya ng 90 araw na pagkakabilanggo ay ipinagdarasal siya ni Manny Pacquiao.
Kahapon ay dininig ng langit ang panalangin ni Pacquiao matapos ipagpaliban ng US court ang pagsisilbi ng 34-anyos na si Mayweather ng kanyang sentensya na maaaring magtakda ng kanilang mega-fight ng 33-anyos na si Pacquiao sa Mayo 5.
“Mula nang masentensyahan si Floyd, araw-araw ko siyang ipinagdarasal na sana ay malampasan niya ang mga pagsubok na hinaharap. Salamat naman at pinagbigyan siya ng US court na ipagpaliban ang kanyang sentence,” sabi ni Pacquiao.
“Dininig ni Lord ang dasal ko, malakas ako kay Lord,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.
Saglit na nabalam ang pag-uusap nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at Mayweather nang mahatulan ang American five-division titlist ng tatlong buwan na pagkakabilanggo dahil sa domestics violence case.
Ayon kay Pacquiao, prayoridad pa rin niya ang makalaban si Mayweather.
“Di ko pa rin isinasara ang negosasyon kay Floyd, at sa pagdating nina Bob (Arum), (Michael) Koncz pag-uusapan namin, kahit na ang top priority ni Bob si (Juan Manuel) Marquez pero kung bababa sa $28M ang prize money baka ‘di matuloy ang laban,” ani Pacquiao.
Nakatakdang dumating si Arum sa bansa sa Enero 10.
Samantala, bumili ng lupa si Pacquiao sa Sarangani mula sa sariling pera na kinita sa laban kay Antonio Margarito para ipagpatayo ng school dormitory para sa mga estudyante na malalayo ang bahay.
Ang paaralan ay tatawaging ‘Pacman Village’ at makikita sa Sarangani Brgy., Tango, ang hometown ni Pacquiao.
“Ayaw kong maranasan nila ang naranasan ko na madalas mag-absent dahil sa sobrang pagod sa kalalakad,” sabi ni Pacquiao. Pirmado na rin ang national road project na P283M na magdudugtong sa Davao del Sur- Sarangani.
- Latest
- Trending