Atleta na walang medalya sa 26th SEAG, 'di bibigyan ng pondo, ayon kay Garcia
MANILA, Philippines - Kailangan ng maghanap ng ibang pagkukunang pondo ang mga National Sports Associations (NSAs) na hindi nanalo ng medalya sa idinaos na 26th SEA Games.
Sa napagkasunduan sa unang PSC board meeting nitong Miyerkules, ang mga medalists lamang ng SEAG sa Indonesia na ginanap noong Nobyembre at sampung prioritized sports ang pagtutuunan ng pondo ng Komisyon sa 2012.
May 150 medalists sa individual sports ang tatawaging elite athletes na bibigyan din ng matinding pagsasanay para sa 2013 Myanmar Games.
“The PSC will no longer support athletes and NSAs na walang medalya sa huling SEA Games. They will have to look for their own sponsors for their athle tes to win medals and be part of the elite team next year,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia sa lingguhang POC-PSC Radio Program.
Sa nasabing plano, ang dating P400 million na inilaan sa mga NSAs sa 2011 ay magiging P200M na lamang dahil ang P100M ay para sa elite at ang isa pang P100M ay para sa PSC grassroots programs.
Bago umalis ang Pambansang delegasyon ay nagsabi na ang PSC na walang pondong makukuha ang mga NSAs na nagpilit na sumama sa SEA Games na hindi mananalo.
Pinangatawanan ng PSC ang pahayag matapos umani ng pambabatikos sa kinalabasan ng kampanya na anila ay hindi nararapat dahil pagpondo lamang ang papel nila sa delegasyon.
Tumapos ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto taglay ang pinakamababang napanalunang gintong medalya sa huling 10 taong paglahok sa SEA Games na 36 ginto bukod pa sa 56 pilak at 77 bronze medals.
Dahil sa pangyayari ay mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang nag-utos sa PSC na pumili na lamang ng sports na maaaring makapaghatid ng karangalan sa bansa sa mga malalaking torneong nilalahukan.
Pero bago ipairal ang bagong patakaran ng PSC ay dapat muna nilang linawin ang kahulugan ng mga priority sports lalo pa’t hindi naman lahat ng Olympic sports ay masasakop nito.
- Latest
- Trending