MIAMI - Nagposte si LeBron James ng 33 points at 13 assists para sa 118-83 paggiba ng Miami Heat laban sa Indiana Pacers sa kabila ng hindi paglalaro ni Dwayne Wade.
Naupo si Wade sa bench dahil sa kanyang sore left foot at hindi pa alam kung makakalaro siya sa laban ng Miami sa Atlanta.
Nagkaroon ng injury si Wade, isang six-time All-Star guard, sa laro ng Heat laban sa Charlotte Bobcats sa second quarter noong Disyembre 28. Hindi siya nakita sa unang 10 minuto ng third period.
Naglista naman si Roy Hibbert ng 16 points at 12 rebounds para sa Indiana.
Sa Auburn Hills, Michigan, umiskor si Richard Hamilton ng 14 points sa kanyang pagbabalik sa The Palace para tulungan ang Chicago Bulls sa 99-83 panalo kontra sa dati niyang koponang Detroit Pistons.
Dalawang laro ang inupo ni Hamilton para sa Bulls bunga ng kanyang sore groin. Tumanggap siya ng palakpak mula sa mga Detroit fans, kinilala ang siyam na taon niyang paglalaro sa Pistons.
Tumipa si Derrick Rose ng 17 points at 10 assists para sa Bulls, may limang players na nagposte ng double figures para sa kanilang pang-12 sunod na panalo sa Detroit.
Humakot si Greg Monroe ng 19 points at 13 rebounds para sa Pistons, habang hindi naglaro si guard Rodney Stuckey sa second half dahil sa kanyang groin strain.
Sa New York, naglista si Boris Diaw ng season-high 27 points para tapusin ng Charlotte Bobcats ang isang four-game losing skid sa bisa ng 118-110 paggupo sa New York.
Nagdagdag si Gerald Henderson ng 24 para sa Bobcats, habang nagbalik naman buhat sa injury sina Amare Stoudemire at Iman Shumpert sa panig ng Knicks.
Sa Dallas, tumapos si Dirk Nowitzki ng 20 points para sa kanyang pang-1,000th NBA game at banderahan ang Mavericks sa 98-89 tagumpay laban sa Phoenix Suns.
Sa Los Angeles, naglista si Blake Griffin ng 22 puntos at siyam na assists bago maupo sa final canto kung saan magaang na tinalo ng Clippers ang Houston Rockets, 117-89.
Sa iba pang laro, nanalo ang San Antonio sa Golden State Warriors, 101-95 at tinalo ng Boston ang New Jersey Nets, 89-70.