CHICAGO - Sa pagkakaroon ng magandang fourth quarter ni Derrick Rose para sa Chicago Bulls, inasahan ng lahat na ang reigning NBA MVP ang kukuha ng final shot sa pagkakatabla ng iskor.
Ngunit si Luol Deng ang nagsalpak ng game-winner sa huling segundo ng laro.
Ang layup ni Deng sa natitirang 3.7 segundo ang nagtakas sa Bulls para sa isang 76-74 panalo laban sa Atlanta Hawks.
Humugot si Rose ng 17 sa kanyang 30 points sa fourth quarter para ibangon ang Bulls mula sa isang 19-point deficit.
Mula sa isang timeout, tumakbo si Deng sa baseline at tinanggap ang pasa ni Joakim Noah para sa tagumpay ng Chicago kontra sa Atlanta
“At the end of practice, we always run the play,” wika ni Deng. “(Joakim) made a great pass. We had a feeling both of the defenders would go with Derrick.”
Ang plano ng Bulls ay si Rose ang tatanggap ng bola at hindi si Deng.
“Obviously, we’re trying to get it to Derrick,” sabi ni Bulls coach Tom Thibodeau. “They did a good job taking the first and second option away. Derrick set a great screen, (Noah) made a great pass and Luol made a great cut.”
Hindi nakadepensa ang Hawks dahil sa inasahan nilang si Rose ang kukuha ng final shot.
Kapos naman ang tirada ni Joe Johnson para sa Hawks sa pagtunog ng final buzzer.
Tumapos si Deng na may 21 points para sa Bulls at umiskor ng walong puntos sa huling apat na minuto ng fourth quarter.
Naimintis ni Rose ang isang runner sa huling 21 segundo ngunit tumalbog naman ang dalawang freethrows ni Atlanta guard Jeff Teague.
Sumalaksak si Rose laban kay Teague at kontra kay Josh Smith sa nalalabing 9.9 segundo para ibigay sa Chicago ang 74-73 lamang.
Isang freethrow ang naipasok ni Horford, tumipa ng 16 points para sa Hawks, sa huling 7.7 segundo para sa 74-74 iskor.
Sa iba pang laro, pinayukod ng L.A. Lakers ang Houston Rockets, 108-99; tinalo naman ng Cleveland Cavaliers ang Charlotte Bobcats, 115-101; giniba ng Memphis Grizzlies ang Sacramento Kings, 113-96; pinahiya ng Portland Trail Blazers ang Oklahoma City Thunder, 103-93; at sinagpang ng Utah Jazz ang Milwaukee Bucks, 85-73.