MANILA, Philippines - Magiging abala ang mga national women’s boxers sa taong 2012 dahil hanggang tatlong malalaking torneo ang maari nilang salihan.
Ayon kay ABAP executive director Ed Picson, magsisimula ang laban sa lady boxers sa buwan ng Marso sa gaganaping Asian Women’s Boxing Championship sa Ulan Batar, Mongolia.
Gagawin ang kompetisyon mula Marso 16 hanggang 26 at sina SEA Games gold medalists Josie Gabuco (46kg), Alice Kate Aparri (48kg) at silver medalist Nesthy Petecio (54kg) ang babandera sa Pilipinas.
Isasalang din ang alinman kina Rica Aquino at Janice Vallares para kumampanya sa 60 kilogram division.
Ang torneong ito ay magsisilbi rin bilang tryouts sa mga women’s boxers dahil sunod na laban ay sa AIBA Women World Boxing Championships sa Chongqing, China mula Mayo 21 hanggang Hunyo 3.
“Tatlong dibisyon sa flyweight (51kg), lightweight (60kg) at middleweight (75kg) lamang ang weight divisions na lalaruin sa London Olympics kaya sina Josie, Alice at Nesthy ang maglalaban-laban sa flyweight at sa 60kg ay sina Aquino at Vallares ang aming pagpipilian. Wala naman na tayo sa 75 kg dahil kahit sa lalaki ay mahirap makahanap sa ganitong timbang,” wika ni Picson.
Ang top eight sa bawat dibisyon sa World Championships ang siyang aabante sa London Games at ito ay sisikaping gawin ng ipadadalang boksingera ng bansa.
Ang men’s team naman ay sasalang sa Asian Olympic Qualifying sa Astana, Kazakhstan na itinakda mula Marso 30 hanggang Abril 18.
Sa kasalukuyan ay si Mark Anthony Barriga pa lamang ang nakatiyak ng puwesto sa Olympics at ito ay sisikaping dagdagan ng mga manlalarong ipadadala sa Kazakhstan.
Dahil halos magkadikit ang Asian Women at Men’s qualifying, balak ng ABAP na ipadala na rin ang men’s team sa Mongolia at isama naman ang women’s team sa Kazakhstan upang makapagsanay na rin.
“We’re getting in touch with our counterparts in Mongolia para malaman kung puwede naming isama ang men’s team para doon na magsanay. Malakas ang Mongolia sa boxing kaya’t makakatulong ito sa kanilang paghahanda,” ani pa ni Picson.
Ang lahat ng kasapi ng national pool at national coaches ay magbabalik na sa ABAP gym para simulan ang pagsasanay sa malalaking torneong nakalinya sa taon.