San Sebastian Stags pararangalan sa Collegiate Basketball Awards sa Enero 21
MANILA, Philippines - Pagkapanalo ng titulo sa Philippine Collegiate Champions League (PCCL) ang nagtulak sa San Sebastian upang masama sila sa mga pararangalan sa Collegiate Basketball Awards na itataguyod ng UAAP at NCAA Press Corps at Smart sa Enero 21 sa Gateway Suites sa Cubao, Quezon City.
Naunsiyami ang pakay ng Stags na titulo sa NCAA nang yumukod sila sa San Beda ngunit nakabawi ang koponang hawak ni coach Topex Robinson nang kunin ang PCCL title laban sa two-time defending champion at 4-peat titlist ng UAAP na Ateneo Blue Eagles.
Ang Stags ang kauna-unahang NCAA team na hinirang na kampeon ng ng PCCL at gagawaran ng Distinction for Excellence award.
Kabilang sina Calvin Abueva at Ian Sangalang sa Mythical team kasama sina Greg Slaughter at Kiefer Ravena ng Ateneo, Bobby Ray Parks Jr. ng National University at Garbo Lanete ng San Beda.
Si Sangalang ay makakasama ni Aldrech Ramos ng FEU bilang Mr. Efficiency, habang si Ronald Pascual ng Baste ang gagawaran ng Impact Player.
Si RR Garcia ng Tamaraws ang tatanggap ng Court General award.
Ang iba pang manlalaro na bibigyan ng pagkilala ay sina Nico Salva ng Ateneo at Dave Marcelo ng San Beda bilang Pivotal Players, Emman Monfort ng Ateneo bilang Maynilad Super Senior at ang kakampi niya sa Blue Eagles na si Kirk Long bilang Defensive Stopper.
- Latest
- Trending