Volleyball sa 2011 pinasigla ng V-league
MANILA, Philippines - Ang inakalang magiging mapanghamong 2011 ay nauwi sa magarbong taon para sa Shakey’s V-League nang makaisip ang pamunuan ng mga bagong proyekto upang tabunan ang problema hinggil sa kakulangan sa bilang ng koponang kalahok.
Nabuhay sa taong ito ang Open Conference, habang nasilayan din ang husay ng mga dayuhang koponan mula Vietnam at Malaysia sa SEA Club Invitational na isinahog sa naunang regular na first conference ng 8th season.
Sampung koponan ang nagtagisan sa unang handog na conference at nakagawa ng kasaysayan ang Ateneo Lady Eagles nang masungkit ang kanilang kauna-unahang kampeonato sa ligang may basbas din ng Mikasa at Accel.
Ipinarada ng Lady Eagles ang bata ngunit mahusay na si Alyssa Valdez at nakipagtulungan ito sa mga beteranong tulad nina Fille Cainglet, Jamenea Ferrer, Grethen Ho at Angeline Gervacio bukod pa sa mahusay na Thai import na si Lithawat Kesinee para magkapagdomina sa liga.
Nalagay din sa peligro ang paghahabol sa titulo ng koponan nang gulatin sila ng National University sa pagbubukas ng best-of-three semifinals. Ngunit hindi hinayaan ng Lady Eagles ni coach Charo Soriano na makahulagpos pa ang makasaysayang paglalaro nang kunin ang sumunod na dalawang laban.
Sa Finals ay kinaharap nila ang matikas at dating kampeong Adamson pero mas matayog ang lipad ng Lady Eagles nang walisin ang best-of-three series.
Si Cainglet ang lumabas bilang Most Improved Player at si Kesinee ang Conference MVP, habang si Ferrer ang naging Finals MVP para patunayan na karapat-dapat ang Ateneo na maging kampeon ng liga.
Nagkaroon ng problema bago nagsimula ang second conference dahil tatlong regular teams na Ateneo, San Sebastian at University of Perpetual Help lamang ang puwedeng sumali at ang iba ay abala na sa pag-aaral ng kanilang manlalaro.
Pero ang problema ay naging positibo pa sa liga dahil nabuo ang Open Conference nang pumasok ang mga commercial teams na Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy at Maynilad na isang hakbang tungo sa plano ng liga na maging commercial league sa hinaharap.
Balikatan ang naging labanan at ang Final Four ay kinatampukan ng dalawang matitinding regular teams ng V-League na Ateneo at San Sebastian laban sa Army at Navy.
Winalis ng mas beteranong Army ang Lady Eagles sa best-of-three semis series upang itakda ang laban sa Lady Stags na pinataob ang Navy.
Hindi naman nagpabaya ang Army at tinapos ang laban ng multi-titled San Sebastian sa 2-0 sweep sa finals.
Para mapaigting pa ang interes sa women’s volleyball ay inimbitahan ng liga ang Vietnam.
Dalawang conference lamang ang isinasagawa ng liga taun-taon pero espesyal ang 2011 dahil ipinasok na rin ang SEA Club Championship nang imbitahan ang Vietsovpetro ng Vietnam at Malaysia Club team para isama sa mga hinirang na kampeon na Ateneo at Army.
Ipinamalas ng Vietnamese team ang kanilang lakas kontra sa mga Russian imports na sina Ekaterina Martynova at Anactaxia Trernai upang makamit ang titulo nang hindi nakakatikim ng kabiguan sa limang laro sa maigsing torneo.
- Latest
- Trending

















