Corteza tututukan ang WPA
MANILA, Philippines - Magiging aktibo si Lee Van Corteza sa 2012 para maisakatuparan ang hangaring maging banner year niya ito.
Hindi simple kundi mataas ang ambisyon ni Corteza sa papasok na taon upang maihanay ang sarili kalinya ang mga tinitingala sa Philippine pool na sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Alex Pagulayan, Dennis Orcolo at Ronato Alcano.
Ang mga nabanggit na manlalaro ay pawang naging world champions bagay na hindi pa nagagawa ni Corteza.
“Gusto kong mapasama sa mga Filipino world champions kaya sa 2012 ay target kong mapanalunan ang WPA World titles sa 8-ball, 9-ball at 10-ball,” wika ni Corteza.
Si Corteza ay nagtapos ng kampanya sa 2011 tangan ang $63,193 premyo upang malagay sa ika-13 puwesto sa talaan na kinabibilanganan din ng mga dayuhan.
Siya ang ikatlong Pinoy sa talaan kasunod ni Orcollo na nasa ikatlo sa $177,588 at Pagulayan na nasa ikaanim sa $89,360.
Hindi pinalad ang tubong Davao na manalo sa mga nilahukang prestihiyosong kompetisyon sa labas ng bansa at tumapos lamang siya sa ikalima sa World 10-ball, at dalawang pang-17th sa World 8-ball at 9-ball Championships.
Ang dalawang malalaking panalo na naitala ni Corteza ay nangyari sa bansa sa SMB Oktoberfest at sa Manny Pacquiao International 10-ball Championship na naghatid sa kanya ng $30,000 premyo.
- Latest
- Trending